Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, iniluklok na bagong Lider ng Minorya sa Kamara

91

Naitalaga na bilang bagong Lider ng Minorya sa Kamara si Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano.

Ito ay makaraang bumaba sa pwesto bilang Minority Leader si Manila Rep. Benny Abante para sumama na sa grupo ng Mayorya.


Sa naging pulong ng Minority Coalition ay iniluklok si Paduano matapos iboto ng 22 miyembro nito.

Sa statement ng Minorya, sa bagong pamunuan ni Paduano ay makasisiguro ang sambayanang Pilipino na mananatili ang prinsipyo na magsilbing fiscalizer at tiyakin ang check and balance sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Nagpahayag din ang Minorya na susuportahan ang mga panukala na makatao at tinitiyak na magbibigay sila ng “constructive criticism” at hindi magiging obstructionist.

Iginiit din ng Minorya na bagamat iba-iba ang kanilang political party at mga paniniwala nagkakaisa naman sila sa mga panukalang batas na makabubuti sa mga ordinaryong mamamayan.




Si Paduano ay third termer Congressman na miyembro ng Minority bloc simula pa noong 17th Congress.

Facebook Comments