
Maaaring maharap sa multa, suspensiyon o disbarment ang kilalang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Raul Lambino.
Ito ay sakaling hindi pa rin magsumite ng tugon si Lambino sa show cause order na ipinalabas laban sa kaniya ng Korte Suprema kaugnay sa pagpapalabas nito ng maling impormasyon.
Si Lambino ang nagsabi sa kaniyang Facebook live noong March 11 na naglabas ng Temporary Restraining Order ang Kataas-taasang Hukuman para ipahinto ang pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa pag-aresto kay Duterte.
Sa ambush interview, sinabi ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting na naisumite na ang notice of resolution kay Lambino at binibirepika pa kung natanggap na niya ito.
Maaari namang maharap sa parusa si Lambino kapag hindi pa rin ito tumugon gayong tapos na ang sampung araw na ibinigay sa kaniya para idepensa ang sarili sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon.