Monday, July 13, 2026

Acting SP Gatchalian, tiniyak ang pagsunod sa Konstitusyon para sa botohan sa impeachment trial

Tiniyak ni acting Senate President at Senate President Pro-tempore Sherwin Gatchalian na mahigpit na susundin ang Konstitusyon para sa paggawad ng hatol ng Senate Impeachment Court kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang iginiit ni Gatchalian sa gitna na rin ng babala ni Senator Alan Peter Cayetano na posibleng dalhin sa botohan sa impeachment at charter change ang ginawa ng Gatchalian bloc na pagbabago sa bilang ng mga senador na makakabuo ng quroum sa plenaryo.

Tinukoy ni Gatchalian ang pagsunod sa article 11 section 3 paragraph 6 ng 1987 Constitution kung saan nagsasaad na walang maco-convict sa impeachment trial kung hindi makakuha ng 2/3 na boto sa bilang na 24 na senador o katumbas ng 16 na boto.

Sinabi ni Gatchalian na susundin nila ang nakatadhana sa 1987 Constitution na 16 na boto bilang conviction treshold o boto para sa paggagawad ng hatol na guilty, kahit ilan pa ang senador na sisipot at lalahok sa impeachment trial.

Samantala, kinumpirma ni acting Senate president na nag-isyu na siya ng kautusan para idaos sa June 18 ang pre trial conference kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Binigyan niya ang House prosecution panel at ang kampo ni VP Sara para magsumite ng pre-trial briefs hanggang June 15 at itinakda na ang trial proper sa July 6.

Facebook Comments