Administrasyon, posibleng gusto na ring ibasura ang impeachment case laban kay VP Sara Duterte

Naniniwala si Senator Imee Marcos na hindi lang silang mga maka-Duterte ang nagnanais na maibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Hinala ni Sen. Marcos, mukhang pati ang administrasyon ay ayaw na ring matuloy ang impeachment trial sa pangambang ma-acquit o mapawalang-sala rin ang Bise Presidente.

Hindi napigilang sabihin ng senadora na mas nakahihiya na may paglilitis at sa huli ay matatalo lang din silang mga nagsusulong ng impeachment.

Maging sa ilang mga senador aniya ay ganito na rin ang paniniwala pero tumanggi ang mambabatas na tukuyin kung sino-sino sila.

Muling iginiit ni Sen. Marcos na dapat na ma-dismiss na ang impeachment case dahil bukod sa hindi naman ito matatapos sa loob ng 19th Congress ay hindi rin ito maaaring itawid pa sa susunod na Kongreso.

Facebook Comments