AFP, nakahanda na sakaling maghanap muli nang mapagkukunang suportang pinansiyal ang Maute Group matapos na maaresto ang mga magulang ng lider ng mga ito

Marawi City, Philippines – Handa ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sakali mang humanap na ng ibang mapagkukunan ng suportang pinansyal ang magkapatid na founder ng Maute Terror Group kasunod ng pagkakaaresto ng kanilang mga magugulang at mga hinihinalang financiers.
Ito ang inihayag ni AFP spokesman Brigadier General Restituto Padilla matapos maaresto ang ina ng magkapatid na Omar at Abdulla na si Ominta Romato Farhana kagabi sa Lanao Del Sur.
Ayon kay Padilla, sigurado silang maraming pinagkukunan ng suporta ang teroristang grupo lalo na nang madakip ang isa pang pinaniniwalaang financier ng Maute na si Marawi Mayor Fajad Salic.
Kaya naman sinisikap ng tropa militar na makumpirma ito at nang mahuli ang iba pang sumusuporta sa terrorist group upang tuluyan na silang masugpo at mapalaya na mula sa mga elemento ng Maute ang Marawi City.
Matatandaang una nang naaresto ang kanilang amang si Cayamora Maute sa isang checkpoint sa Davao City at ngayo’y inilipad na papuntang Maynila para sa masusing imbestigasyon.
DZXL558

Facebook Comments