Friday, April 10, 2026

Agad na pagpapasa sa ₱52.8 billlion supplemental budget na tutugon sa pagtaas ng langis at produktong petrolyo, ipinanawagan ng isang senador

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Senado na magpasa na ng supplemental budget para tugunan ang tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Hontiveros, sa pagtaya ng kanyang opisina ay aabot sa P52.8 billion ang kailangang emergency supplemental budget package para maibsan ang epekto ng nagpapatuloy na giyera sa Gitnang Silangan.

Sa nabanggit na supplemental budget, ₱12 billion ang para sa transport subsidy, P2.8 billion para sa agricultural subsidy at P38 billion na emergency fund para sa Overseas Filipino Workers (OFW) repatriation at reintegration.

Tinukoy ng senadora na ang mga kasalukuyang pondo ay hindi kakasya sa pangangailangan ngayon ng iba’t ibang sektor sakaling tumindi ang tensyon sa Middle East.

Ipinunto naman ni Hontiveros na maraming pwedeng mapagkunan ng pondo at kailangan lamang pag-usapan, pag-isipan at aksyunan agad ito.

Ilan sa mga pwedeng mapaghugutan ng pondo ang ₱70 billion mula sa discontinued flood control projects noong nakaraang taon, ang pag-repurpose sa ₱2.5 billion na pondo ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization para sa agri-subsidy at pwede ring kumuha sa P17.5 billion na pondo para sa pag-host at pag-chair ng Pilipinas sa ASEAN 2026 Summits at Meetings.

Facebook Comments