
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pag-deploy ng water purification systems, mobile clinics, at Starlink units sa mga lugar na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sa situation briefing sa Malacañang, tiniyak ng pangulo ang sapat na suplay ng malinis na inuming tubig, tuloy-tuloy na serbisyong medikal, at mabilis na komunikasyon para sa mga apektadong komunidad sa Albay.
Agad namang kumilos ang mga ahensya ng pamahalaan para maghatid ng relief goods, face masks, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga evacuee.
Nag-deploy rin ng Starlink units upang mapanatili ang maayos na komunikasyon at mapabilis ang koordinasyon ng mga responder habang nagpapatuloy ang emergency operations sa mga apektadong lugar.
Kasabay nito, tuloy-tuloy ang clearing operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP) habang mahigpit na ipinatutupad ang 6-kilometer danger zone.
Patuloy ring binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang aktibidad ng Bulkang Mayon.
Tiniyak ng pangulo ang walang humpay na ayuda at mabilis na suporta ng pamahalaan para sa kaligtasan at pagbangon ng mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.










