
Isinusulong ng magkapatid na Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Senator Pia Cayetano ang agarang pagpapatibay sa panukala na pagpapataw ng automatic suspension o otomatikong pagtapyas sa excise tax sa gasolina at iba pang produktong petrolyo.
Ang panukala ay inihain sa gitna na rin ng pagtaas pa sa presyo ng langis bunsod ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa ilalim ng Senate Bill 1927 ay inaamyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997 na una nang binago noong isinabatas ang TRAIN Law.
Bibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na suspindihin o bawasan ang fuel excise taxes batay na rin sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee at kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kapag nawala na ang nasabing kondisyon o bumaba na ang presyo ng crude oil sa world market ay otomatikong matatapos din ang suspensyon.
Makatutulong ang nasabing hakbang para mabilis na makaresponde ang gobyerno, mapigilan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, at maprotektahan ang mga mamimili nang hindi na kailangan pang maghintay ng panibagong batas.










