
Sa kauna-unahang Roundtable Discussion sa Philippine Blue Economy, binigyang-diin ni dating Finance Secretary Roberto F. de Ocampo na kailangang suportahan ng pamahalaan ang modernisasyon ng industriya ng pangingisda.
Mungkahi niya ang pagtutok sa mas makabagong kagamitan sa pangingisda at pagpapalawak ng cold storage facilities upang mabawasan ang post-harvest losses na umaabot sa 25% taun-taon.
Samantala, binigyang-pansin ni Propesor Ben Malayang III, eksperto sa ekolohiya ng arkipelago, ang lumalalang epekto ng labis na pangingisda at pagkasira ng ekosistema sa mga karagatan ng bansa.
Aniya, bagama’t mas malawak ang dagat kaysa lupa sa ating teritoryo, tila mas nakatuon ang pondo ng pamahalaan sa mga proyektong panlupa kaysa sa pagpapaunlad ng yamang-dagat.
Bukod sa Blue Economy Act, itinampok din sa talakayan ang iba pang legislative at institutional support gaya ng pagtatatag ng Center for West Philippine Sea Studies at pagdedeklara ng National West Philippine Sea Day.
Binanggit ng mga eksperto ang potensyal ng blue economy sa pagpapalakas ng ekonomiya at pagsisiguro ng pangmatagalang seguridad sa pagkain ng bansa.
Sa pagtatapos ng roundtable, muling iginiit ng FVR Legacy Initiative at PRRM na ang Blue Economy Act ay mahalagang hakbang sa pagtataguyod ng mas inklusibo at sustainable na sektor ng yamang-dagat.
“Ito ang magbibigay ng matibay na pundasyon sa proteksyon ng ating karagatan para sa susunod na henerasyon,” ayon sa kanilang pahayag.