
Inaprubahan na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang guidelines sa gagawing pag-aangkat sa Marso ng hanggang 25 thousand metric tons ng iba’t ibang klase ng isda at seafood.
Layon nitong mapatatag ang supply ng pagkain at maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga ito sa merkado.
Naunang itinakda ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC) ang import ceiling noong nakaraang taon.
Sakop ng 25,000-metric-ton na import ceiling ay ang Alaskan Pollock, Barramundi, Blue Fin Tuna, Capelin, Chilean Seabass, Clams, Cobia, Cod, Croaker, Eel, Emperor, Fish Meat, Flounder, Gindara Grouper, Hake, Halibut at iba pa.
Tiniyak naman Secretary Tiu Laurel na hindi nito maapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.
Sa ilalim ng naaprubahang mga alituntunin, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang maglalabas ng sanitary at phytosanitary import clearances na may 45-araw na bisa.
Dagdag dito, tanging ang mga pasilidad na accredited ng BFAR ang papayagan na mag-imbak ng mga imported seafood.
Ang mga importers na nagnanais na lumahok ay dapat na accredited nang hindi bababa sa isang taon at dati nang nakikibahagi sa mga katulad na pag-import.
Ang mga sinisiyasat naman hinggil sa food safety violations at mga walang kumpletong documentary requirements ay hindi kasama.