
Binigyan ng Commission on Elections (Comelec) ng exemption mula sa spending ban ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP at iba pang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ang kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia matapos naisumite ng DSWD, National Economic and Development Authority (NEDA) at iba pang sangay ng pamahalaan ang guidelines ng pamamahagi nito.
Nakasaad sa inilabas na memorandum ng komisyon na dapat ay present ang election officer ng munisipalidad sa magiging pamamahagi ng mga programa at hindi rin saklaw ng exemption ang spending ban mula May 2 hanggang May 12, 2025 o 10 araw bago ang halalan.
Hindi rin papayagan ang mga kandidato na sumama sa mismong araw at lugar ng pamamahagi ng ayuda.
Una nang hiningi ng DSWD sa Comelec na mabigyan ng election ban exemption ang mga ayuda tulad ng AKAP, Assistance to Individuals In Crisis Situations (AICS) at mga financial assistance dahil naaantala umano ang tulong ng gobyerno sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.