Akusasyon ng Kamara na ayaw makipag-usap ng Senado tungkol sa dagdag sahod, pinabulaanan

Pinasinungalingan ni Senator Joel Villanueva ang paratang ng tagapagsalita ng Kamara na ayaw ng Senado makipag-usap sa mga kongresista hinggil sa panukalang dagdag na sahod.

Ayon kay Villanueva, halata namang hindi kinonsulta ni House of Representatives Spokesperson Atty. Princess Abante ang mga kongresistang kasama sa binuong bicam nang maghayag ito ng malisyosong akusasyon laban sa Senado.

Hindi aniya totoong hindi nakipag-usap ang Senado dahil matapos ang sesyon noong June 10 ay nakipag-usap silang dalawa ni Senate President Chiz Escudero sa House conferees na kinabibilangan nina Reps. Arlene Brosas, Democrito Mendoza, at Jolo Revilla para muling iapela ang noon pang hirit ng Mataas na Kapulungan na i-adopt na lamang ang ₱100 daily minimum wage hike bill.

Nagpahayag naman ang Kamara ng kahandaan na i-adopt na lamang ang Senate version.

Subalit, sa huling araw ng sesyon noong June 11 ay nabasa na lamang nila sa social media na nire-reject ni House Committee on Labor Chairperson Juan Fidel Nograles ang liham ng pagapela ng Senado na i-adopt ang panukalang dagdag na sahod.

Sinabi pa ni Villanueva, matapos maaprubahan ng Kamara noong June 5 ang bersyon ng kanilang panukala, hindi rin isinumite agad sa Senado ang kopya ng inaprubahang bill para sana naaral pa ng mga senador at sa halip listahan lang ng house conferees ang ipinadala.

Facebook Comments