Al-al Sawadjaan na kapatid ng ASG bomber na si Mundi Sawadjaan at tatlong iba pang terorista, patay sa sagupaan sa Jolo

Nasawi sa ikinasang law enforcement operation ng militar at pulisya ang nakababatang kapatid ni Abu Sayyaf Group bomber Mundi Sawadjaan na si Al-al Sawadjaan, ASG sub leader Injam Yadah, isang alyas “Rap” at isa pang miyembro ng ASG sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Joint Task Force (JTF) Sulu Spokesperson Lieutentant Jerrica Angela Manongdo alas-2:00 ng madaling araw kahapon nang isagawa ng mga sundalo at pulis ang operasyon sa Barangay Alat, Jolo, Sulu kung saan nakipagpalitan ang putok ang mga ito sa tropa ng gobyerno dahilan ng pagkasawi ng apat na terorista.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang M653 carbine rifle, caliber .45 pistol, improvised explosive device (IED) components at 15 mobile phones.


Si Yadah, batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay dati nang nasangkot sa pangingidnap sa mga Pilipino at banyaga sa Mindanao.

Habang si Al-Al Sawadjaan naman ay una nang nanumpa sa grupo ng ASG bilang suicide bomber.

Facebook Comments