Albayalde, kasama na sa respondents sa kaso ng ninja cops

399

Isinama na rin ng PNP CIDG sa respondents si dating PNP Chief Oscar Albayalde sa kaso ng ninja cops na sangkot sa kontrobersyal na Pampanga drug raid noong 2013.

Ito ay matapos irekomenda ng Senado na isama sa respondents sa kaso si Albayalde.


Kanina, nagsumite ng amended complaint ang PNP CIDG sa DOJ kung saan kasama na sa mga inireklamo si Albayalde kaugnay ng isyu ng drug recycling.

Noong Miyerkules, humingi ng extension ang PNP CIDG para makapaghain sila ng amended complaint.

Partikular na isinampa laban kay Albayalde ang kasong paglabag sa RA 3019 o Anti- Graft and Corrupt Practices act.

Ito ay matapos mabunyag sa pagdinig sa Senado na nakinabang daw si Albayalde sa nasabing kontrobersyal na drug operation sa grupo ni Johnson Lee.

Kasama rin sa respondents si dating Police Major Rodney Baloyo at 12 tinaguriang ninja cops.




Facebook Comments