
Pumalag ang Malacañang sa mga alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng kaniyang mga kaalyado kaugnay ng pinirmahang General Appropriation Act 2025 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ‘di umano’y may mga blankong bahagi sa budget tulad ng tseke para punan na lamang ng kung magkanong halaga.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang ganitong alegasyon mula sa isang dating presidente pa man din ng bansa ay malisosyo at marapat lang na kondenahin bilang isang kriminal na pahayag o aksyon dahil ito ay walang katotohanan.
Giit ni Bersamin na ang lahat ng 4,057 na pahina sa dalawang makakapal na volume na naimprenta sa halos 60 linya sa bawat pahina ay isa isang sinuri, masusing pinag-aralan ng mga professional staff mula sa Kongreso at Department of Budget and Management (DBM), kung kaya’t walang pahinang hindi nabusisi nang husto.
Ito ay para matiyak aniya na walang pagkakamali sa mga halagang dapat nakasaad sa bawat proyekto ng gobyerno.
Imposible rin aniyang may mailiban na blangko sa anumang funding items sa budget at dapat alam aniya ni Duterte na hindi uubra na lagyan ng blankong items ang GAA.
Dagdag pa ng Kalihim, pwede naman itong i-double check sa website ng DBM para makita na walang anumang programa, aktibidad o proyekto na may blangkong appropriations.