Alegasyon ni FPRRD na binibenta ni PBBM ang gold reserve ng bansa, pinasinungalingan ng Malacañang

Bumwelta ang Malacañang sa akusasyon ni dating Pangulong Rodriogo Duterte (FPRRD) na ninakaw at binenta umano ng pamilya Marcos ang gold reserve ng bansa.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Usec. at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) lang ang namamahala sa gross international reserves (GIR) ng bansa, kabilang ang mga ginto, para mapanatili ang katatagan ng halaga ng piso, at kailanman ay hindi ito pwedeng pakialaman ng pangulo.

Sa katunayan, tumaas pa aniya ang GIR ng bansa noong 2024 na umabot sa mahigit 106-billion dollars kumpara sa 103-billion dollars noong 2023.

Normal lang din aniya sa BSP na magbenta ng reserba ng ginto para makatulong sa pagbuhay ng ekonomiya ng bansa, at hindi rin ito pwedeng humawak ng sobrang ginto kaya kung may pagkakataon ay dapat itong ibenta sa mas mataas na presyo.

Kaugnay naman nito, kwinestyon ni Castro si Duterte kung wala bang nagpapayo sa kaniya at kung bakit hindi niya alam ang regular na aktibidad ng BSP gayong naging pangulo rin siya ng bansa.

Muli ring hinamon ng opisyal ang dating pangulo, na bilang abogado, patunayan ang kanyang mga paratang, dahil laging kulang, hindi detalyado, at walang pruweba ang kanyang mga akusasyon.

Samantala, wala namang plano ang pamahalaan na sampahan ng kaso si Duterte, pero nakahandang sumagot ang Palasyo sa mga banta at pahayag ng dating pangulo na palaging aniyang inilulusot bilang isang biro.

Facebook Comments