Alternative Education Program, nilagdaan na bilang batas

Makakakuha na ng academic degree ang mga Pilipino nang hindi dumadaan sa tradisyunal na paraan ng pag-aaral.

Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Act o ang alternative learning program na magpapalawak ng pagbibigay ng antas ng edukasyon.

Sa ilalim ng Republic Act 12124, makakakuha na ng diploma sa kolehiyo ang mga Pilipino, lalo na ang mga nagtatrabaho sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang naunang edukasyon, pagsasanay, at karanasan sa trabaho.

Ang ETEEAP ang tutukoy at magbibigay ng katumbas na degree sa mga kwalipikadong indibidwal batay sa kanilang natutunan at propesyunal na karanasan.

Maaaring mag-apply sa programa ang mga Pilipinong 20 taong gulang pataas at nakapagtapos ng sekondarya o anumang sertipikasyong magpapatunay na kwalipikado itong makapasok sa kolehiyo.

Kinakailangan din na may limang taong karanasan sa trabaho sa industriyang may kinalaman sa academic degree na kukuhain ng isang indibidwal.

Facebook Comments