Ama, Tinadtad ng Sariling Anak

Echague, Isabela – Nakakulong at nakatakdang isailalim sa pagausuri ng isang espeyalista sa pag-iisip ang isang binatilyo matapos nitong tadtarin ang sariling ama hanggang sa tuluyang mapatay.

Kinilala ang suspek na si Ever Dave Calungay, 19 anyos, binata, magsasaka at residente ng Brgy. Busilelao, Echague, Isabela samantalang ang biktima na ama mismo ng suspek ay nakilalang si Renato Calungay, 50 anyos, may asawa, isa ring magsasaka at residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ipinarating na impormasyon ng PNP Isabela sa RMN Cauayan News Team, pasado alas diyes ng umaga kahapon, Enero 16, 2018, ng magtungo ang mag-ama sa Sitio Matarang, San Salvador Village upang manghuli ng ibon.


Makaraan ang ilang oras nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama na nauwi sa suntukan.

Dahil dehado sa kanilang suntukan, nakakuha umano ng pagkakataon ang suspek na bunutin ang itak na nakasukbit sa kanyang beywang at agad na itinaga sa ulo na sinundan pa ng sunud-sunod na pagtaga sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng biktima.

Agad namang nirespondehan ng mga pulis ang pangyayari matapos maireport ng ilang residente na nakasaksi sa nasabing krimen.

Nadakip ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong parricide.


Facebook Comments