
Tuluyang pinalaya rin ng Senado si Special Envoy on Transnational Crime (SETC) Ambassador Markus Lacanilao matapos ipa-cite in contempt sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations.
Ito’y dahil hindi nilagdaan ni Senate President Chiz Escudero ang inisyung contempt order ng komite laban kay Lacanilao na resulta ng umano’y paulit-ulit na pagsisinungaling nito tungkol sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Foreign Relations Chairperson Imee Marcos na dismayado siya sa naging desisyon ni Escudero na hindi pirmahan ang inisyung contempt order.
Aniya, mapanganib ang hakbang na ito dahil magiging precedent o maaaring maulit ang ganitong pangyayari sa mga susunod na kahit magsinungaling ay hindi rin tuluyang mapapa-contempt.
Giit pa ng senadora na insulto ito sa komite at sa integridad ng institusyon.
Napakalinaw aniya ng mga pagsisinungaling ni Lacanilao kung kaya’t bakit si Escudero na isang abogado ay bigong makita ito sabay paalala ni Sen. Marcos na ang contempt power ng Senado ay nakasandig sa self-preservation ng institusyon.