AMLC, naka-secure ng panibagong freeze order laban sa assets ng mga nadawit sa maanomalyang flood control projects

Na-secure ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang ika-anim na freeze order mula sa Court of Appeals (CA) laban sa mga ari-arian ng mga sangkot sa umano’y katiwalian sa flood control projects.

Saklaw nito ang 39 bank accounts, apat na insurance policies, at 59 real estate properties kabilang ang residential, commercial at agricultural assets.

Ayon sa AMLC, ilan sa mga ito ay konektado sa isang dating mataas na opisyal ng pamahalaan na pinaghihinalaang may malaking papel sa procurement process ng mga kuwestiyonableng kontrata sa flood control projects.

Mula sa unang limang freeze orders, naipatupad na ng AMLC ang pag-freeze sa 1,671 bank accounts, 58 insurance policies, 163 motor vehicles, 99 real estate properties at 12 e-wallet accounts, na may kabuuang halagang ₱4.67 bilyon.

Inaasahan pang tataas ang bilang na ito habang nadaragdagan ang mga order at natutuklasan ang mga bagong lead.

Nakikipagtulungan na rin ang AMLC sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsusuri ng mga indibidwal at entity na tinukoy sa mga pagdinig ng Senado.

Ipinapakita nito ang pagtitiyak ng pamahalaan sa masusing at patas na imbestigasyon.

Facebook Comments