
Sumugod sa Office of the Ombudsman ang grupong Citizen Crime Watch para maghain ng pormal na kahilingan na imbestigahan ang reklamong kanilang inihain laban kay dating Manila Mayor Isko Moreno.
Kasama ni Atty. Ferdinand Topacio ang mga vendor mula sa Divisoria nang magtungo sa Ombudsman.
Ayon kay Atty. Topacio matagal na nilang inireklamo ng katiwalian ang dating alkalde kasama ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Maynila pero wala raw ginagawang aksyon dito ang Ombudsman.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa umano’y iligal na pagbenta sa Divisoria Public Market sa halagang Php1.4 bilyon at ilan pang mga ari-ariang pagmamay-ari ng City Government.
Giit ni Topacio, ang kanilang hakbang ay parte ng kanilang adbokasiya na mapanagot kung mayroon mang nagkasala.
Dapat aniyang silipin ng Ombudsman ang usapin hindi lamang para matulungan ang mga mamamayan ng lungsod ng Maynila kundi maisalba na rin sa kapahamakan ang kapital ng ating bansa.