Anti-Drunk and Drugged Driving Act, planong repasuhin ng Senado

Pinag-aaralan na ngayon ng Senado ang pagrepaso sa Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 matapos ang sunod-sunod na vehicular accidents na ikinasawi ng mga inosenteng biktima.

Ayon kay Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada, isa sa mga co-author ng batas na nagpapatupad ng mandatory drug testing sa drivers na sangkot sa mga insidente, sisilipin nila kung panahon na para amyendahan at palawakin pa ang umiiral ng batas.

Aniya, ang hakbang ni Transportation Secretary Vince Dizon na obligahin ang PUV drivers na sumailalim sa mandatory drug testing kada 90 araw ay isang proactive step tungo sa pagtiyak ng road safety at pagprotekta sa kapakanan ng commuters.

Mahalaga aniyang masuri kung dapat din itong isabatas na dahil nagpapakita ito ng importanteng konsiderasyon kaugnay sa long-term enforcement at sustainability ng mga ipinatutupad na patakaran.

Naniniwala ang mambabatas na mahalagang maaksyunan ang magkakasunod na aksidente sa kalsada at pagrepaso sa batas upang maiwasan ang mga trahedya sa lansangan.

Facebook Comments