Sunday, August 16, 2026

Anumang sitwasyon, hindi maaring magbigay-katwiran sa pagbabanta sa buhay ninuman

Iginiit ng House Prosecution Panel na walang anuman sitwasyon, emosyon at kondisyon ang makakapagbigay-katwiran sa pagbabanta laban sa buhay ng sinuman tulad ng banta ni Vice President Sara Duterte na ipapapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., 1st Lady Liza Marcos at Speaker Romualdez.

Ayon kay House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, kasama sa layunin ng pagpapanagot kay VP Duterte ang matuldukan din ang kultura ng pagbabanta sa kapwa na siyang sinusunod ngayon ng mga taga-suporta ng ilang matataas na opsiyal ng ating bansa.

Ipinunto naman ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, na hindi maganda na tinitingala, napapanood at ginagaya ng ating mga kababayan lalo na ng mga kabataan ang mga lider na may hindi magandang asal at naghahasik ng galit o pagbabanta sa kapwa.

Diin naman ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin, mali ang naipakita ng ilang lider ng bansa sa nakaraang mga taon na normal lang na pagbantaan mo ang isang tao dahil nagalit ka o sa anupamang rason dahil kung ganito ang mangyayari ay tiyak mababalot ng kaguluhan ang ating bansa o ang buong mundo.

Facebook Comments