Atake sa puso, ikinasawi ni Jonel Nuezca ayon sa BuCor

408

Hindi kumbinsido noong una ang pamilya Gregorio sa dahilan ng pagkamatay ni dating Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca habang ito’y nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Si Nuezca ang pulis na nasa viral video na pumatay sa mag-inang Sonia at Frank Gregorio matapos na pagbabarilin ang mga ito dahil sa umano’y away sa lupa noong nakaraang taon.

Sa interview ng RMN Manila kay Mark Gregorio, anak at kapatid ng mag-inang Sonya at Frank Gregorio, nabawasan ang pagdududa nila nang kinumpirma ng kanilang mga kaanak ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng pulis.


Bagama’t nalungkot na hindi napagdusahan ni Nuezca ang hatol na habambuhay na pagkakakulong, sinabi ni Mark na kahit papaano ay nabigyan naman aniya ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang ina at kapatid.

Samantala, kinumpirma naman ni Bureau of Corrections (BuCor) Spokesperson Gabriel Chaclag sa interview ng RMN Manila na atake sa puso ang ikinamatay ni Nuezca.

Nakatakdang isagawa ngayong araw ang autopsy kay Nuezca upang malaman ang naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.



Facebook Comments