Atty. Harry Roque, hindi dapat magtago at gamitin ang asylum —De Lima

Hinamon ni ML Party-list Representative-elect Atty. Leila de Lima si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na bumalik na ng Pilipinas upang harapin ang kaniyang mga kaso.

Ito ay makaraang maglabas ng arrest warrant ang korte laban kay Roque na nahaharap sa reklamong trafficking dahil sa pagkakaugnay sa operasyon ng iligal na POGO sa Porac, Pampanga.

Ginawa ni De Lima ang pahayag sa proklamasyon ng mga nanalong party-list group sa Tent City ng Manila Hotel kung saan sinabi niyang bilang abogado ay alam ni Roque na ang pagtakas ay posibleng indikasyon ng pagiging guilty.

Nag-ugat ang kaso sa qualified human trafficking na inihain ng Department of Justice (DOJ) laban kay Roque.

Hindi anila limitado sa pagiging abogado ang ginampanan ni Roque para sa Whirlwind Corporation dahil siya rin umano ang naging kinatawan para sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Facebook Comments