Babaeng dadalaw sa nakakulong na kaibigan sa Cabatuan Isabela, nahulihan ng iligal na droga

169

Manila, Philippines – Kulong ang isang babae makaraang makuhanan ng iligal na droga sa kanyang pagdalaw sa kaibigang nakakulong sa lock-up cell ng pulisya sa Cabatuan, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Richelle Quelisadio, residente ng Barangay Del Pilar Cabatuan.

Ayon kay Pol. S/Insp. Prospero Agonoy, hepe ng Cabatuan Police Station – ang pagkakaaresto sa suspek ay kasunod ng natanggap na report na nagdadala ito ng iligal na droga sa loob ng kulungan.

Kaya nang dumalaw ang suspek sa kaibigang babae na sangkot din sa iligal na droga, isinagawa rin ng mga babaeng pulis ang body search at nasamsam ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na nakalagay sa loob ng kanyang bra.

Ang suspek ay nananatili na sa loob ng kulungan at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nation

Facebook Comments