
Bukas si Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon na gumamit ng mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila para mas maintindihan ang kalbaryong nararanasan ng commuter.
Ayon kay Dizon, batid niya ang hirap ng mga commuter, lalo sa Metro Manila, na gumigising ng madaling araw para maagang makapasok sa trabaho at eskwela, at nakakauwi na ng dis-oras ng gabi dahil sa matinding traffic.
Pero mas maiintindihan aniya niya ang sitwasyon kung mararanasan niya ang hirap ng mga commuter at magkaroon ng ideya sa pag-resolba sa isyu sa transportasyon.
Nayong araw, opisyal nang nanumpa si Dizon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang bagong kalihim ng DOTr kasunod ng pagbibitiw ni outgoing Sec. Jaime Bautista dahil sa kaniyang kalusugan.
Sabi ni Dizon, mahigpit na direktiba sa kanya ni Pangulong Marcos na madaliin ang pagtatapos ng mga umiiral at nakalinyang proyekto para mabawasan ang araw-araw na kalbaryo ng publiko sa transportasyon.