Sunday, August 16, 2026

Bagong training facilities ng National Academy of Sports, halos tapos na

Nasa 98% o halos kumpleto na ang konstruksyon ng Phase 2 ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac.

Kasabay nito, sinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pasilidad ng akademya at nakipagkita sa mga student-athlete na kasalukuyang nagsasanay sa NAS.

Kabilang sa mga halos tapos nang pasilidad ang gymnastics hall, sports performance building, at mga dormitoryo para sa mga atleta at kawani.

Nauna nang naging operational ang unang yugto ng proyekto na kinabibilangan ng Academic and Administration Building at Multi-Sports Gymnasium.

Sa School Year 2026-2027, may 246 na elite student-athletes ang sinusuportahan ng NAS sa pitong sports: aquatics, athletics, badminton, gymnastics, judo, table tennis, at taekwondo.

Patuloy ding nagbibigay ang akademya ng libreng tirahan, pagkain, strength and conditioning support, at buwanang allowance na P3,000 sa mga atleta.

Noong 2025, nakapag-uwi ang mga atleta ng NAS ng 1,029 medalya sa mga pambansa at internasyonal na kompetisyon.

Nitong 2026 Palarong Pambansa naman, nakakuha ang akademya ng 26 medalya, kabilang ang 10 gold, 5 silver, at 11 bronze medal.

Facebook Comments