
Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Pamilya sa Bagong Pilipinas Model, kasabay ng ika-74 na anibersaryo ng ahensya ngayong araw.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, ang programang ito ay magbibigay ng tuloy-tuloy na suporta sa mga pamilya sa bawat yugto ng kanilang buhay.
Kasabay nito, inilabas din ang Pamilya sa Bagong Pilipinas Compendium, na isang libro na may tatlong bahagi tungkol sa programa at serbisyo ng DSWD para sa mga pamilyang nangangailangan.
Una rito ang “Bagong Pamilyang Pilipino”, na nagbibigay ng interbensyon sa pagsisimula ng isang pamilya, kabilang ang suporta para sa mga bagong kasal.
Pangalawa ang “Bumabangon sa Gitna ng mga Hamon”, na nakatuon sa pagbibigay ng social protection programs para sa mga pamilyang dumaranas ng pagsubok.
Kasama rito ang pagkilala sa iba’t ibang estruktura ng pamilya tulad ng single-parent families, same-sex parent families, blended families, at adoptive o foster families.
Panghuli ay ang “Maunlad at Matatag na Pamilya”, na pinalalakas ang bawat pamilya sa pamamagitan ng skills training, employment assistance, at financial literacy programs para maging epektibo ang pamamahala nila sa kanilang yaman at kabuhayan.