Tiniyak ng Pangasinan Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) ang balanseng pagpapaunlad at pagtataguyod ng mga lokal na produkto at serbisyong ipinagmamalaki ng lalawigan.
Ayon kay PTCAO Department Head, Ms. Maria Amor-Elduayan, patuloy ang mahigpit na koordinasyon ng kanilang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kani-kanilang tourism offices upang higit pang makilala at maipakilala ang mga natatanging produkto at serbisyo ng bawat bayan at lungsod sa Pangasinan.
Dagdag pa ni Elduayan, isa sa mga pangunahing hakbang na kanilang isinusulong ay ang cultural mapping at mga kaugnay na pananaliksik upang mapalalim pa ang pag-unawa sa kultura at kasaysayan ng lalawigan, na nagsisilbing saligan ng mga lokal na produkto at tradisyon.
Samantala, binibigyang-diin din ng PTCAO ang kahalagahan ng turismo bilang kasangga sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya. Layunin ng ahensya na maipakita hindi lamang ang kagandahan ng Pangasinan kundi maging ang potensyal nito sa pagbibigay ng hanapbuhay at oportunidad sa mga Pangasinense. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣