Balasahan sa Gabinete ni PBBM, hindi nangangahulugang mahina ang gobyerno —Malacañang

Walang dapat ikapangamba ang publiko sa pagsusumite ng courtesy resignation ng halos lahat ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi ito nangangahulugan na mahina ang gobyerno dahil ang revamp ay isang paraan ng pagpapakita ng pangulo na walang puwang sa administrasyon ang mga tamad at korap na opisyal.

Sa halip na isipin na mahina ang gobyerno, dapat pa nga aniya itong ikatuwa ng publiko dahil mapapalitan na ang mga opisyal na hindi karapat-dapat sa posisyon.

Dagdag ni Castro, hudyat na rin ito ng pagsisimula sa unang nabanggit ni Pangulong Marcos na magkakaroon na siya ng mas mabagsik na pamumuno sa bansa.

Matapos balasahan sa Gabinete, tiniyak ng Palasyo na makaka-asa ang publiko sa mas mabilis na serbisyo-publiko at mga kapaki-pakinabang na proyekto hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos sa 2028.

Facebook Comments