Bank records ni VP Sara, ipapa-subpoena ng House prosecutors sa impeachment court

Hihilingin ng House prosecutors sa Senado na tatayong impeachment court na ipa-subpoena ang bank records ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua na miyembro ng 11-man prosecution team, ito ay bahagi ng kanilang estratehiya upang mas mapatibay ang mga ebidensyang hawak kapag nagsimula na impeachment trial kay VP Sara.

Paliwanag ni Chua, sa ilalim ng Bank Secrecy Law ang mga rekord ng bangko ay confidential, maliban na lamang sa mga kaso ng impeachment.


Diin ni Chua ang legal principle na ito ay unang pinagtibay sa 2012 impeachment trial kay dating Chief Justice Corona kung saan sa pamamagitan ng subpoena ay nabuksan ang kanyang mga rekord sa bangko at ginamit bilang ebidensya sa paratang ng pagdeklara ng lahat ng kanyang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Dagdag pa ni Chua, pinag-aaralan din ng mga taga-usig ng Kamara ang pakikipag-ugnayan sa Anti-Money Laundering Council at Commission on Audit upang masubaybayan ang mga financial transaction na maaaring may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng bayan ni VP Sara.

Facebook Comments