Binigyang-pansin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 1 ang patuloy na banta ng online sexual abuse at exploitation sa mga bata sa pagdiriwang ng National Children’s Month.
Sa panayam ng iFM News Dagupan kay Clarivel Banzuela, Statutory Programs Division Chief ng DSWD Region 1, nananatiling pinakamataas ang kaso ng karahasan at sexual abuse sa mga kabataan sa rehiyon.
Bagama’t bahagyang bumaba ang bilang ng mga kaso, iginiit niyang hindi ito nangangahulugang wala nang nangyayaring pang-aabuso.
Aminado ang ahensya na hamon pa rin ang pag-angkop ng mga programa sa modernong panahon, dahil nagbabago na ang anyo ng pang-aabuso, mula sa pisikal na karahasan tungo sa digital at online exploitation.
Pinaalalahanan naman ni Banzuela ang mga magulang na paigtingin ang pagbabantay sa online activities ng kanilang mga anak, lalo na’t mahirap kalabanin ang hindi nakikita.
Kasabay nito, binigyang-pansin din ng ahensya ang mga batang nasasangkot sa paglabag sa batas, na umabot sa 622 menor de edad batay sa tala ngayong taon, bilang bahagi ng mas malawak na adbokasiya para sa proteksyon ng mga kabataan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









