Banta ng storm surge, itinaas ng PAGASA sa ilang lugar sa Visayas bunsod ng Bagyong Tino

Muling naglabas ang Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) ng listahan ng mga probinsya sa Visayas na posibleng makaranas ng daluyong o storm surge sa loob ng susunod na 24 oras bunsod ng paghagupit ng Bagyong Tino.

Sa huling bulletin ng weather bureau alas-8:00 ng umaga, nasa tatlong metro o higit pa ang taas ng storm surge na maaaring maranasan sa Aklan, Capiz, Cebu, Iloilo, at Negros Occidental.

Samantala, tinatayang dalawa hanggang tatlong metrong taas ng daluyong ang maaaring maranasan sa Antique, Biliran, ilang bahagi ng Cebu, Eastern Samar, Guimaras, ilang lugar sa Iloilo, Leyte, ilang bahagi ng Negros Occidental, Negros Oriental, Samar (Western Samar), at Southern Leyte.

Isa hanggang dalawang metro naman ang posibleng taas ng storm surge sa Bohol, Camiguin, Dinagat Island, Masbate, Northern Samar, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Romblon, at Siquijor.

Pinaaalalahanan ng ahensya ang mga nakatira sa mga low-lying at coastal area na lumayo muna sa mga dalampasigan, lumipat sa mas mataas na lugar, at huwag munang pumalaot o magsagawa ng anumang marine activities.

Facebook Comments