
Ipinasasailalim ni Senate President Chiz Escudero sa komprehensibong review ang mga batas at polisiya patungkol sa overloading ng mga truck at trailers sa buong bansa.
Layunin ng pagrepaso na malaman kung naipapatupad ang mga batas at polisiya laban sa truck o trailer overloading matapos ang nangyaring pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.
Ayon kay Escudero, dapat na malaman kung papaanong ang truck na may bigat na 102 tonelada ay dumaan sa tulay na may maximum capacity lang na 45 tonelada.
Naniniwala ang mambabatas na hindi ito isolated case at maraming overloaded trucks ang nakakabyahe nang hindi man lang nasisita o nahaharang.
Ipinasisilip din ni Escudero kung may weighbridges ba sa mga kalye at tulay na titimbang sa mga truck para malaman ang bigat nito bago makadaan.
Iginiit din ni Escudero na dapat ipagbawal ng gobyerno at ng Land Transportation Office (LTO) ang paglalagay ng anumang reinforcement sa bed ng mga truck para maiwasan ang overloading at dapat na mapanagot sa overloading ang mga may-ari ng truck.