Batikos ni VP Sara sa ₱16 trillion na utang ng gobyerno, ibinalik ng Palasyo sa Duterte admin

Pumalag ang Malacañang sa pagkwestiyon ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa higit 16 trilyong utang ng bansa na hindi naman umano nararamdaman ng publiko kung saan napupunta.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tila hindi alam ni VP Sara na ang halaga ng utang na ito ay kabuuang utang ng kasama ang mga nagdaang administrasyon.

Giit ni Castro, bago maupo si Pangulong Marcos sa pwesto noong June 2022, nasa 12.79 trilyon na ang utang na iniwan ng Duterte administration.

Nasa 6.83 trilyon din ang inutang sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, katumbas ng 115.1% na pagtaas kumpara sa mga naunang administrasyon.

Bagama’t nagsisikap aniya ang pamahalaan na maiwasan ang labis na pangungutang, aminado si Castro na may mga pagkakataon tulad ng panahon ng krisis na hindi maiiwasang mangailangan ng dagdag na pondo ang gobyerno.

Facebook Comments