Bayanihan SIM pundasyon ng Marcos admin sa pagpapahusay ng kalidad sa edukasyon – Sec. Aguda

Inilunsas ng Department of Information and Communications Technology ang Bayanihan SIM program, isa sa mga pangunahing inisyatiba ng ahensya upang isakatuparan ang bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang digitally empowered na bansa.

Ayon kay DICT Sec. Henry Rhoel Aguda, layunin ng programa na palawakin ang akses sa edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng koneksyon sa internet sa mga guro at mag-aaral, partikular na sa mga liblib at malalayong komunidad.

“Ang hakbang na ito ay isang mahalagang pag-usad tungo sa digital inclusion at pag-unlad ng tinatawag na learning infostructure,” ani Aguda.

“Sa simula ay isang milyong SIM cards ang ipamamahagi sa beneficiaries sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) sa buong bansa.”

Bahagi ito ng mas malawak na pamamaraan ng DICT upang paliitin ang tinatawag na digital divide sa bansa at matiyak na ang bawat Pilipino ay may pantay na oportunidad sa paggamit ng teknolohiya para sa edukasyon at pag-unlad.

Ayon kay DICT Usec Paul Joseph Mercado, pangunahing layunin ng programa ang edukasyon. “May kasama pong subscription ang isang milyong SIM cards. Uunahin pong bigyan ang mga estudyante at guro, dahil ang layunin po talaga nito ay ang access sa dekalidad na edukasyon.”

Ipinaliwanag pa ni Mercado na ang bawat SIM card ay mayroong 25GB na libreng internet data kada buwan upang suportahan ang remote learning, online classrooms, at pagbabahagi ng educational content.

Ang inisyatib ay kaugnay din umano
ng mas malawak na ICT infrastructure agenda ng DICT, kabilang na ang pagtatayo ng karagdagang cell towers sa GIDAs, na mahalaga upang matiyak ang maayos na koneksyon sa mga malalayong barangay at epektibong pag-andar ng SIM cards.

Nakikipag-ugnayan din ang DICT sa National Economic and Development Authority para sa tinatayang tatlong taong implementasyon ng proyekto, na nakatakdang magsimula sa ikalawang hanggang ikatlong quarter ng 2025. Naaprubahan na rin ng DICT ang guidelines para sa distribusyon, kaya’t handa na umano itong isakatuparan sa mga unang yugto.

Binigyang-diin ni Sec. Aguda na ang programa ay bahagi ng mas malawak na kilusang “Digital Bayanihan,” isang kolektibong inisyatiba na naglalayong gamitin ang teknolohiya upang mapabuti ang mga serbisyong pampubliko, palakasin ang mga komunidad, at isulong ang pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya.

“Ang proyektong ito ay salamin ng bisyon ng Pangulo at ng paniniwala rin namin na ang digital equity ay mahalaga sa pambansang pag-unlad,” ani Aguda.

“Sa pagbibigay-prayoridad sa mga guro at estudyante, tayo ay tuwirang namumuhunan sa kinabukasan ng bansa,” dagdag niya.

Inaasahang makikinabang ang mga pampublikong guro at mag-aaral na kasalukuyang walang regular na akses sa mga digital tools. Sa pamamagitan ng internet connectivity ay layunin ng DICT na mapabuti ang online learning, mabawasan ang bilang ng mga humihinto sa pag-aaral, at palaganapin ang digital literacy, lalo na sa mga laylayan ng lipunan.

Ang proyekto ay nakahanay rin sa
mas malawak na digital agenda ng pamahalaang Marcos, na binibigyang-diin ang universal connectivity, digital job creation, at pampubliko-pribadong pagtutulungan sa pagtataguyod ng ICT sector ng bansa.

Sa paglapit ng implementasyon, nananawagan ang DICT sa mga local government units, opisyal ng mga paaralan, at civil society organizations na makipagtulungan upang maging matagumpay ang programa.

Naniniwala ang pamunuan ng DICT na sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na kooperasyon ay makakamit ang isang digital na edukasyon na walang naiiwan.

Facebook Comments