BI Commissioner Joel Viado, suportado ang imbestigasyon sa mga ibinatong alegasyon sa kaniya

Nagpahayag ng suporta si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado sa pag-iimbestiga sa isyung nakapaloob sa “white paper” na ipinadala ng mga nagpakilalang tauhan ng Bureau of Immigration o BI sa Office of the President.

Sa isang pahayag, sinabi ni Viado na sa pamamagitan ng patas at masusing imbestigasyon, mabibigyang linaw ang mga isyu, matitiyak ang pananagutan at lalakas ang tiwala ng publiko sa kanilang institusyon.

Matatandaang inaakusahan si Viado ng korapsyon at mishandling ng mga kasong may kaugnayan sa operasyon ng POGO at deportasyon ng mga dayuhang iligal na nagtatrabaho sa bansa.

Kahapon, inamin ni Viado na pinigilan niya ang tangkang pagpapalaya sa Chinese national na si Tony Yang na inaresto noong nakaraang taon dahil sa pagiging undesirable alien.

Naaresto si Yang na gumagamit din ng pangalang Antonio Lim sa Ninoy Aquino International Airport at siya rin ang kapatid ni Michael Yang na dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayaw direktang tukuyin ni Viado kung may kinalaman ang pagharang nya sa pagpapalaya dito sa mga kinakaharap niya ngayong reklamo.

Una nang hinikayat ng Department of Justice ang mga tauhan ng Immigration na magsumbong sa kanila para maging matibay ang alegasyon.

Facebook Comments