
Sinisiguro ng lokal na pamahalaan ng Maynila na napapanatili nilang ligtas at tahimik ang mga residenteng, nagtatrabaho at nag-aaral sa lungsod.
Ito’y matapos na bumaba ng 44% ang ilang mga naitatalang krimen partikular ang kaso ng murder at homicide.
Base sa ulat ng Manila Police District (MPD), nakapagtala lamang ng anim na kasong murder habang dalawang kaso ng homicide mula January 2025 hanggang February 2025 kumpara sa 18 kaso noong kaparehong buwan ng 2024.
Bumaba rin ang kaso ng theft, mula 69 noong January hanggang February 2024, nasa 58 na kaso ngayong unang dalawang buwan ng 2025 ang naitala habang ang insidente ng pagnanakaw ay nasa 29 na kaso mula sa 31 kaso.
Sa kabila nito, pinapayuhan pa rin ng lokal na pamahalaan ang publiko na huwag maging kampante at magkaroon ng pag-iingat sa sarili dahil hindi sigurado kung kailan mananamantala ang mga kriminal.