
Bumaba ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa death row sa ibang mga bansa.
Sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa 2026, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na mula sa 50 hanggang 60 bilang ng mga OFWs na nasa death row ay bumaba ito sa 25.
Paliwanag ni Cacdac, naging posible ito dahil nagkaroon ng bagong polisiya o batas ang ilang bansa tulad ng Malaysia kung saan naging maluwag ang commuting o pagbawas ng sentensya sa mga nahaharap sa parusang kamatayan.
Nag-apply aniya ang Embahada ng Pilipinas sa Malaysia ng commutation dahilan kaya kalahati ang ibinaba sa bilang ng mga kababayang nahaharap sa death row.
Patuloy din aniyang sinisikap ng DMW katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Office of the President na mabigyan ng commutation ang mga Pilipinong may kaso sa ibang bansa.









