
Cauayan City – Natagpuan na ang wala ng buhay na katawan ng isang binatilyo na napaulat na nawawala matapos malunod sa Chico River sa Piat, Cagayan noong ika-14 ng Pebrero.
Ayon sa ulat, naligo ang biktima sa ilog kasama ang apat nitong kaibigan, ngunit napunta ito sa malalim na parte ng ilog dahilan upang siya ay tangayin ng malakas na na agos ng tubig at doon nalunod.
Dahil sa lakas ng agos ng tubig ay bigo siyang mailigtas ng kanyang mga kasama kaya naman humingi sila ng saklolo sa kinauukulan.
Kaagad namang rumesponde ang Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team Tuao Station katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Piat, at Philippine Coast Guard upang hanapin ang biktima ngunit bigo silang matunton ang kinaroroonan nito sa araw na iyon.
Samantala, nito lamang ika-16 ng Pebrero ay natagpuan na lamang na palutang-lutang ang katawan ng binatilyo sa ilog sa bahagi ng Brgy. Centro, Sto. Niño, Cagayan.
Mismong ang ama ng biktima ang nagkumpirma na ang natagpuang bangkay ay ang anak nga nitong nawawala.