
Cauayan City – Naglabas ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) ng memorandum para sa agarang pamamahagi ng hybrid at inbred rice seeds sa mga magsasakang naapektuhan ng shear line sa Cagayan.
Ayon kay Regional Executive Director Dr. Rose Mary Aquino, mahalaga ang mabilis na distribusyon ng mga binhi upang agad makapagtanim muli ang mga magsasaka at maibalik ang kanilang ani.
Ang mga binhi mula sa iba’t ibang bahagi ng Region 02 ay dadalhin sa DA-Southern Cagayan Research Center sa Minanga Norte, Iguig, Cagayan bago ang Enero 22, 2025.
May kabuuang 2,599 sako ng binhi, kabilang ang SL8, US 88, TH82, Biorice, Jackpot, Rc 222, at Rc 508, ang nakalaan mula sa Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya.
Base sa ulat ng Provincial Agriculturist ng Cagayan, 16,156.95 ektarya ng sakahan ang naapektuhan ng shear line kung saan, 7,144.76 ektarya ang lubos na nasira, at 9,012.19 ektarya naman ang bahagyang naapektuhan at nakapagtala ng pinakamalaking pinsala sa Aparri, Camalaniugan, at Buguey, Cagayan.
Nagpasalamat ang DA RFO 02 sa mga opisyal, kawani, at local government units na tumulong sa mabilis na distribusyon ng binhi. Layunin ng programa na mabawasan ang epekto ng kalamidad at muling mapalakas ang agrikultura sa rehiyon.