
CAUAYAN CITY – Itinaas ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVDRRMC) ang Red Alert bilang paghahanda sa Semana Santa at Blue Alert para sa paparating na summer break sa Lambak ng Cagayan.
Ayon sa ulat ng DOST-PAGASA, posibleng umabot hanggang 44°C ang heat index sa ilang bahagi ng rehiyon, na itinuturing nang mapanganib para sa kalusugan.
Kaugnay nito, nagpaalala si Civil Defense Regional Director Leon DG. Rafael sa publiko na maging maingat, iwasan ang labis na exposure sa init, at sumunod sa mga itinakdang safety protocols.
Bilang tugon, nagpatupad ng mahigpit na seguridad ang Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng checkpoints, motorist assistance centers, mobile patrols sa matataong lugar, at deployment ng tourist police upang tiyaking ligtas ang publiko.
Kasabay nito, nagpapatrolya rin ang Philippine Coast Guard sa mga baybaying-dagat at nagsasagawa ng seaborne operations sa mga lugar na dinarayo ng mga turista upang masiguro ang kaligtasan sa karagatan.
Samantala, inilunsad ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang “Beep Me App” para mas mabilisang emergency response.