
Itatakda ni acting Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo ang pagdinig tungkol sa maanomalyang flood control projects sa October 22 o 23.
Ayon kay Tulfo, ito lamang ang maluwag-luwag na panahon na nakita niya para ipagpatuloy ang pagdinig sa mga ghost at substandard government projects.
Susundan lamang ni Sen. Erwin ang naiwan ni Senate President pro-tempore Ping Lacson kung saan pinaiimbitahan na humarap sa pagdinig sina dating Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co.
Paliwanag ng Senador, si Romualdez ay invitation lamang dahil sa umiiral na inter-parliamentary courtesy dahil kasalukuyan pa rin itong Kongresista habang si Co naman ay padadaluhin na at kapag hindi dumating ay ipasasubpoena na ng komite.
Ipatatawag din sa pagdinig ang iba pang mga pangalan na lumabas na binaggit ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.
Dagdag pa ni Sen. Erwin, magiging sentro ng kanilang imbestigasyon ay para sa legislation upang hindi na maulit ang kaparehong anomalya.









