
CAUAYAN CITY – Binigyang linaw ng mga awtoridad ang nangyaring bomb threat sa Isabela State University- Cauayan Campus kahapon, ika-22 ng Mayo.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng iFM News Team, isang email umano na naglalaman ng bomb threat ang natanggap ng isang faculty ng unibersidad dahilan upang ikansela ang pasok at pagsusulit ng mga estudyante at pauwiin ang mga ito.
Agad ding nagsagawa ng inspeksyon sa mga gusali at sa buong campus ang mga personnel ng Explosive Ordnance Disposal katuwang ang Cauayan City Police Station kung saan wala silang nakitang bomba.
Sa kabila nito, nagbigay ng paalala si Major Rufo Pagulayan na ang pagpapadala ng mga bomb threat o paggawa bilang biro sa mga bomb threat ay may kaukulang parusa kung kaya’t hinikayat niya ang publiko na kung maaari ay iwasan ang mga ganitong biro.
Dagdag pa nito, makikipagtulungan sila sa Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) upang malaman ang pagkakakilanlan ng sender.
Ipinaalala din ni Major Pagulayan na sa ganitong mga sitwasyon, mas mainam umano na maging kalmado, huwag magpanic, at makipagtulungan sa mga awtoridad.