Bossing Vic, solid ang suporta sa Lacson-Sotto tandem

Nagpahayag ng solidong suporta si “Bossing” Vic Sotto, sa tandem nina Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson at ng vice presidential bet nito na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanilang pagtakbo bilang Presidente at Bise-Presidente.

 

Ayon kay Vic, lubos niyang hinahangaan si Lacson sa kanyang integridad, katapangan at malinis na track record sa serbisyo publiko sa nakaraang limang dekada.

 

Paliwanag ni Bossing Vic sobra umano ang kanyang paghanga sa katapatan ni Lacson  sa pagbibigay ng serbisyong publiko at nakita rin nito ang katapangan ng Senador, para labanan ang korapsyon sa gobyerno.


 

Giit ni Lacson, na ang pagsisilbi sa Malacañang ay isang serbisyo sa publiko kung saan ang mga lider ay hindi dapat na ituring na “master” kundi isang tao na dapat na manilbihan sa taumbayan.

 

Inendorso rin ni Vic ang kanyang kapatid na si Senate President Sotto na isa sa mga “Dabarkads” sa pinakakilalang noontime show sa bansa, ang “Eat Bulaga!”

 

Tiniyak ni Lacson, na kanyang tutuparin ang kanyang  pangako na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at ang pagpapanagot sa mga tiwali sa gobyerno  kung saan ay uubusin ang lahat ng mga magnanakaw sa kaban ng bayan.

 

Panawagan din ni Lacson, sa taumbayan na maging matalino at mapanuri sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa, sa halip na magluklok ng magnanakaw sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

 

Pangako rin ni Lacson, sa kanyang mga kapwa Caviteño na mamumuno siya nang may disiplina at katapatan sa kanyang tungkulin.

Facebook Comments