
CAUAYAN CITY – Paiigtingin ng mga opisyal ng Barangay Guayabal ang pagbabantay sa ilog ng kanilang nasasakupan ngayong Semana Santa upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa panayam ng IFM News Team kay Barangay Captain Daisy Maribbay, sinabi nitong maraming residente ang karaniwang nagtutungo sa ilog tuwing Mahal na Araw upang magsaya at magdiwang kasama ang pamilya’t mga kaibigan.
Gayunpaman, inaasahang mas kakaunti ang mga dadayo sa ilog ngayong taon.
Mariin din niyang pinaalalahanan ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbasag ng mga bote sa ilog upang maiwasan ang anumang aksidente.
Kasama ng barangay ang Public Order and Safety Division ng Cauayan, PNP Cauayan, at Cauayan Disaster Risk Reduction Office sa pagbabantay at agarang pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga bisita sa lugar.
Samantala, pinaalalahanan din ni Punong Barangay Maribbay ang mga bibisita sa ilog na magdala ng sapat na tubig at proteksyon laban sa init ng araw gaya ng payong at sombrero upang makaiwas sa mga karamdaman gaya ng heat stroke o dehydration.