Broadcaster Raffy Tulfo, sinampahan ng kasong bigamya sa Quezon City Prosecutors office

Kasong Bigamya o pagpapakasal habang may bisa pa ang kasal sa iba ang isinampa ng dating misis ng kontrobersyal na Broadcaster na si Rafael Tulfo o mas kilala sa tawag na Raffy Tulfo sa Quezon City Prosecutors Office.

 

 

Kasama ang kanyang abogadong si Atty. Lifrendo Gonzales, isinampa ni Julieta Licup, dating misis ni Tulfo ang siyam na pahinang affidavit complaint laban sa kontrobersyal na broadcaster.

 

Sa maikling panayam ng media, nilinaw ni Atty. Gonzales na isinampa ang reklamo para sa kapakanan ng kanyang anak na umano’y matagal na panahong itinago sa publiko.


 

Bilang isang kagawad ng media na katotohanan ang inilalahad ngunit sa pagkakataong ito ay hindi umano pinahalagahan ni Tulfo ang anak nila ni Licup.

 

Batay sa marriage certificate na inilabas ni Licup, ikinasal sila ni Tulfo sa Capas, Tarlac noong October 25, 1982.

 

Kabilang din sa dokumentong isinumite ni Licup sa kanyang reklamo ang muling pagpapakasal ni Raffy Tulfo sa pangalawa nitong asawa na si Jocelyn Pua noong January 20, 1995 sa Quezon City.

 

Paglilinaw ng abogado ng dating asawa ni Tulfo, magsasampa rin sila ng iba pang kaso sa korte at ito ay ang kasong may kinalaman sa RA. 9262 o ang VAWC Law.

Facebook Comments