“Buko Kings” ng India – Guinness World Record holder pa rin

14

Milan, Italy – Hawak pa rin ng mga Indian national na sina Karamjit Singh at Kawaljit Singh ang Guinness World Record para sa pinakamaraming bukong nabasag nila sa loob lang ng isang minuto habang nakapiring.

July 25, 2014 nang ipamalas ng dalawa ang kanilang makalaglag-panga na stunt sa ‘Lo Show Dei Record’ sa Milan, Italy.

Bago ang stunt, binuhusan muna ng harina ang mga mata ni Karamjit habang nakapikit ito saka tinakpan ng panyo para masigurong wala itong nakikita.

Maya-maya pa, gamit ang palakol, isa-isa niyang binasag ang 35 piraso ng buko na nakapalibot at halos 2 inches lang ang layo mula sa nakahigang katawan ni Kawaljit.

Halos maiyak naman sa sobrang takot ang mga nanonood pero sa huli ay napahanga sila matapos na mabasag nito ang lahat ng buko nang hindi man lang natamaan ng palakol si Kawaljit.

Facebook Comments