Napigilan ng mga awtoridad ang tangkang pagpapakamatay ng isang 19 anyos na buntis sa may footbridge ng Abad Santos at Recto Avenue sa Maynila.
Sa imbestigasyon, nakita ng mga dumaraan ang buntis kasama ang dalawang maliliit nitong anak sa ibabaw ng footbridge at napansin ang plano nitong pagtalon.
Agad na tumawag ng awtoridad ang mga saksi kung saan mabilis na rumesponde ang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Manila Traffic saka napigilan ang ginang na tatalon na sana kasama ang mga anak na babae.
Kaugnay nito, tumulong na rin ang mister ng ginang at ilang minuto rin ang lumipas at nakumbinsi ang asawa na huwag ituloy ang balak na mahigpit pang nakahawak sa railings ng footbridge.
Makalipas ang higit kalahating oras ay naibaba na rin ang ginang kung saan napag-alaman na plano pala siyang hiwalayan ng kaniyang mister dahil may iba na umano itong karelasyon.